HINDI naniniwala ang minorya sa Kamara na kayang sampulang sampahan ng kaso ni Agriculture Secretary William Dar sa mga tiwaling opisyal ng Department of Agriculture (DA), kaugnay ng pagbaha ng mga smuggled na gulay mula sa bansang China.
Ayon kay Rep. Argel Cabatbat, angkop rin isapubliko ang pangalan ng mga sinasabing malalaking personalidad na una nang tinukoy ni DA Assistant Secretary Federico Laciste Jr. na diumano’y direktang kunausap at nakiusap sa kanila para huwag sampahan ng asunto ang mga negosyanteng sangkot sa agri-smuggling.
“Imbestigahan at parusahan ang mga sangkot sa smuggling, ngayon na!,” ani Cabatbat sa pangambang lumawak pa ang epekto ng agri-smuggling sa sektor ng pagsasaka.
Sa isang pagdinig sa senado kamakailan, inamin ni Laciste ang paglapit sa kanya ng ilang mga kilalang personalidad na aniya’y umaarbor sa mga agri-smugglers na nagpupuslit ng mga gulay mula sa bansang Tsina.
Hirit ng kongresista, patuloy ang pamamayagpag ng agri-smuggling sa bansa dahil na rin umano sa bagal na ipinamamalas ni Secretary Dar sa pangakong tugon sa hinaing ng mga magsasaka.
Suspetsa pa ni Cabatbat, mistulang protektado ng mga kasabwat na opisyal ng gobyerno ang mga agri-smugglers, sabay tukoy sa nakabinbing reklamong inihain sa Bureau of Plant Industries (BPI).
“We will continue collecting evidence and witnesses that will expose the corruption in the Bureau of Plant Industry that we believe is the root cause of smuggling in the country,” pahabol pa ng deputy minority leader ng Kamara.