ARESTADO ang isang suspek na kabilang sa sindikato na pumapatay umano sa mga opisyal at kawani ng Bureau of Customs (BOC) mula nitong nakaraang Disyembre 2021 hanggang Pebrero, 2022 ng suspek
Hindi pa inilalantad ni Manila Police District (MPD) chief General Leo Francisco ang pagkakakilanlan ng suspek na aniya’y isang security personnel mismo ng BOC.
Dahil aniya’y patuloy pa ang imbestigasyon kaugnay ng panambang kay BOC senior appraiser Eudes Nerpio sa Maynila noong Enero 7, sa hangaring matukoy ang iba pang kasabwat sa serye ng karahasan sa hanay ng mga opisyal at empleyado ng naturang ahensya.
Narekober sa pag-iingat ng suspek ang baril na pinaniniwalaang ginamit sa pamamaslang at isang granada.
Dagdag pa niya, Enero 27 pa nila nadakip ang nasabing indibwal, sabay pag-amin na pinili nilang hindi muna ilabas ang impormasyon sa media para hindi mabulilyaso ang mga isinasagawang surveillance sa mga kasama pa nitong posibleng sangkot din sa isa pang insidente – ang bigong pamamaslang kay BOC assistant section chief Ryan Difuntorum noon ding buwan ng Enero.
Nakatakda naming isailalim sa forensic examination ang nakumpiskang baril mula sa arestadong BOC security personnel sa hangaring mabatid kung iyon mismo ang ginamit sa pananambang.
Samantala, hinihintay pa ng MPD ang pamilya ni Nerpio at Difuntorum para pagsasampa ng kaukulang kaso sa husgado, bukod pa sa asuntong illegal possession of firearm and explosive.