MULING nasilayan ang pagtubo ng ilang mga puno at halaman sa Taal Volcano Island matapos ang higit tatlong taon mula nang nagsimulang mag-alburoto ang Bulkang Taal .
Sa tulong ng mga miyembro ng Lawin Patrol ng Department of Environment and Natural Resources – Community Environment and Natural Resources Office (DENR-CENRO) Calaca Enforcement and Monitoring ay namataan ang luntiang bulkan sa 9.19km kahabaan ng Barangay Alas-as at Barangay Pulang Bato sa San Nicolas, Batangas nitong Oktubre 10.
Bukod sa mga halaman, nasaksihan rin na paikot-ikot sa bulkan ang ilang waterbirds tulad ng Grey Heron, Black Crowned Night Heron, Purple Heron, Little Egret, Crow, Brahminy Kite at Plover.
Matatandaang noong Enero 2020, nagsimula ang mga aktibidad sa Bulkang Taal na siyang nagdala ng makapal na abo sa malaking bahagi ng Taal at sumira sa ecological processes ng Taal Protected Area.