WALA nang magagawa ang Commission on Elections (Comelec) sa sumbong ng isang election watchdog kaugnay ng diumano’y paggamit ng partylist system ng mga trapo (traditional politicians) at mga negosyanteng hangad lang ay maupo sa Kongreso bilang kinatawan marginalized sector.
Ayon kay Comelec Commissioner George Garcia, masyadong atrasado ang isinusulong na pagkansela sa akreditasyon ng mahigit 120 ng partylist groups na kalahok sa nalalapit na halalan sa Mayo.
Sa pahayag ng grupong Kontra Daya, hindi anila angkop na pahintulutan ng Comelec ang mga trapo at mga negosyanteng gamitin ang partylist system na binalangkas at isinabatas sa hangaring bigyang tinig ang mga “marginalized sectors” ng lipunan.
Sa datos na ipinalabas ng Kontra Daya, 70% ng 177 partylist groups na kalahok sa May 2022 general elections ang Mayo ay pinamamahayan ng mga trapo at negosyanteng hindi naman talaga bahagi ng sektor na nais ikatawan sa kongreso.
Dagdag pa ng election watchdog, 44 partylist groups ang kontrolado ng mga prominenteng political clans mula sa iba’t ibang lalawigan, habang 21 naman ang konektado sa mga dambuhalang negosyo.
Mayroon din anilang 34 walang malinaw na adbokasiyang isinusulong, habang 32 naman ang konektado sa gobyerno, 25 incumbent officials na partylist nominees, at 19 pang ibang nahaharap sa iba’t ibang asunto.
Ayon kay Commissioner Garcia, pinal na at wala ng magagawang aksyon ang Comelec.
Hindi na rin kayang habulin ng komisyon ang mga akreditasyong iginawad ng poll body sa mga nasabing grupong hindi naman tinukoy ng election watchdown na Kontra Daya.
“As regards the various issues raised against certain partylist groups, these are procedurally moot at this point.
The decisions on their accreditations have long attained finality hence, immutable and can no longer be disturbed,” pahayag ni Garcia.
Ito rin aniya ang dahilan kung bakit kinakailangang makapagsumite ng kanilang manipestasyon o oposisyon ang sinuman sa tamang panahon para masuri ang inirereklamo nilang grupo o kandidato.
“Failure in this respect and there being no injunctive writ from a higher court, these PLs (party-lists) will have to be included in the ballots,” giit ni Garcia.
Gayunpaman, iginagalang pa rin naman niya umano ang inisyatibo ng Kontra Daya at iba pang grupong makakatuwang ng Comelec para bumalangkas ng bagong polisiya sa mga susunod na halalan.