
MATAPOS ang 30 taon, ganap nang naisalin sa pangalan ng 41 sa tinatayang 300 pamilyang benepisaryo ang mga titulong patunay na kanila na ang lupang kanilang kinatitirikan ng bahay sa loob ng mahabang panahon.
Sa isang kalatas, pormal nang ipinamahagi ang unang batch ng titulong sadyang nakalaan sa mga aktuwal na residente batay sa census na ginamit na batayan ng Taytay local government, katuwang ang Department of Environment and Natural Resources (DENR), Laguna Lake Development Authority (LLDA), Presidential Commission on the Urban Poor (PCUP), Department of Social Welfare and Development (DSWD), Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD), National Irrigation Administration (NIA), tanggapan ni Rizal 1st district Rep. Jack Duavit at Rizal Provincial Government.
Kabilang sa mga nakatanggap ng titulong patunay nba hindi na sila iskwater ay ang mga miyembro ng APOLA at SAMATHOA, mga homeowners’ association na matiyagang nakipag-ugnayan sa lokal na pamahalaan sa hangaring mapasakanila ang lupang kinatitirikan ng kani-kanilang tahanan mula pa noong dekada 90.
Bukod sa titulo, nagpamahagi rin ng mga pangunahing pangangailangan ang ilang mga opisyal, kabilang si Taytay Mayor Joric Gacula, Vice Mayor Mitch Bermundo, Konsehal Kyle Gacula at mga miyembro ng Sangguniang Bayan.