NAGLABAS ng TSUNAMI warning ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) makaraan ang lindol na tumama sa baybayin ng Hinatuan, Surigao del Sur na may lakas na 6.9 , nitong Sabado ng gabi.
Sa anunsiyo ng PHIVOLCS , ang mga unang alon ng tsunami ay darating sa pagitan ng 10:37 ng gabi at 11:59 ng gabi.
”Ang mga alon na ito ay maaaring magpatuloy ng ilang oras,” sabi pa ng Phivolcs.
”Batay sa lokal na tsunami scenario database, inaasahan na magkaruon ng taas na higit sa isang metro mula sa karaniwang taas ng tubig at maaaring mas mataas sa mga saradong look at mga daungan. Inaasahan ang mapanirang tsunami na may mga alon na maaaring magdulot ng panganib sa buhay.”
Kaya naman , inirerekomenda ng PHIVOLCS ang mga tao na nakatira sa mga baybayin ng Surigao del Sur at Davao Oriental na agad na lumikas patungo sa mas mataas na lugar o lumayo pa papunta sa loob ng lupa.
Ang mga may-ari ng mga bangka sa mga daungan o mababaw na baybaying tubig sa mga nabanggit na lalawigan ay dapat na asikasuhin ang kanilang mga bangka at lumayo mula sa baybayin. Ang mga bangkang nasa karagatan na sa panahong ito ay dapat manatili sa malalim na tubig sabi ng PHIVOLCS.
Ang lindol ay nangyari ng 10:37 ng gabi, na may lalim na walong kilometro.
Ang epicenter nito ay matatagpuan 42 kilometro hilagang-silangan ng Hinatuan.
Naramdaman ang Intensity V sa Bislig, Surigao del Sur, at Cabadbaran, Agusan del Norte.