KINWESTYON ni Senator Idol Raffy Tulfo ang raid na isinagawa ng mga awtoridad sa Philippine Offshore Gaming Operation (POGO) facility sa Las Pinas City noong June 27 kung saan 2,714 ang na-rescue, kabilang na dito ang Pilipino at banyaga.
Ayon kay Senator Idol, labintatlong araw na ang nakalipas pero hindi pa rin malinaw ang imbestigasyong ginagawa ng mga pulis tungkol sa POGO-related crimes at mga taong nasa likod nito.
Sa kasalukuyan, mayroong mga foreign national pa rin ang nakapiit at hindi pa napoproseso ng immigration. Hindi pa rin malinaw kung sila ay sasampahan ng kasong kriminal o irere-patriate.
Binatikos din ni Sen. Tulfo ang mabagal na aksyon ng Bureau of Immigration na dumating lamang sa POGO facility noong July 4, o anim na araw matapos ang raid. Sa ilang araw bago sila dumating, ay marami ng nangyaring katiwalian at nagkabayaran na.
Mula sa isang reliable source ni Sen. Tulfo sa Camp Crame, ginagawang parang gatasan lang ng raiding team ang mga banyagang nahuli at hinuhuthutan ng pera bago pakawalan. Nagkakatawaran pa nga raw bago matubos ang mga nahuling foreigner.
Kinwestyon din ni Sen. Tulfo ang ginawa ng mga awtoridad na basta na lamang pinalaya ang lahat ng Pilipinong nahuli kahit walang maayos na imbestigasyon kung sila ay sangkot sa krimen, tulad ng human trafficking at love scam.
Sinabi ni Sen. Idol na imposibleng ang lahat ng Pilipino na pinalaya ay biktima. Ang masaklap pa dito, nang-scam na nga sila ng foreigner, ay nabigyan pa sila ng ayuda ng DSWD!
“Ginagawang gatasan lang ng mga awtoridad ang mga raid ng POGO hub kung saan napakaraming lapses at mishandling na nangyayari.
“Nagkakatawaran pa bago matubos ang foreign nationals mula sa kustodiya ng mga pulis. Yung mga Pilipinong kasabwat naman sa kabulastugang ito, imbes na masampahan ng kaso sa korte, ay nabibigyan pa ng ayuda dahil pinalalabas na biktima!
“Kaya nagpasa ako ng Resolusyon sa Seando para mapatigil na itong moro-moro at hao-xiao na raid na ito!,” saad niya.
Matatandaang kamakailan lamang ay may naitampok na isang Amerikano sa “Wanted sa Radyo” na biktima ng love scam. Nakilala niya ang isang Pinay na dating nagtrabaho sa POGO sa isang dating app na PinaLove, at P650,000.00 ang sumatotal na nakuha nito sa kanya.
Aniya, kaya malakas ang loob ng mga ilegal na POGO facility na ito ay dahil may mga kasabwat itong mga Pilipino na tumutulong sa kanilang makagawa ng mga ilegal na aktibidad.
Dahil sa kawalan ng koordinasyon ng law enforcement at iba pang ahensya ng gobyerno, ay naghain siya ng isang Senate Resolution para maimbestigahan ang nasabing raid at mapanagot ang lahat ng mga tao sa likod ng POGO-related illegal activities.