NAGHAIN si Senator Idol Raffy Tulfo ng Senate Joint Resolution No. 2 na nagtataas ng subsistence allowance ng lahat ng opisyal at enlisted personnel ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at ng lahat ng commissioned at non-commissioned personnel ng Philippine National Police (PNP) mula Php150 hanggang Php250 kada araw.
Matatandaang sa pagdinig ng budget ng Senado para sa Department of National Defense (DND) noong Setyembre 2022, binatikos ni Tulfo ang kakarampot na subsistence allowance ng mga sundalo na P150 kada araw, na tinitipid nila para sa almusal, tanghalian, at hapunan. Aniya, hindi sapat ang ganoong halaga para makabili ng disenteng hamburger.
Ayon kay Tulfo, ang Php150 kada araw (Php4,500 sa isang buwan) ay halos hindi na makakasuporta sa ikabubuhay ng pamilya ng mga sundalo at tauhan ng pulisya. Binanggit niya ang datos ng Philippine Statistics Authority (PSA) na nagsasabing ang buwanang halaga ng pamumuhay ay dapat nasa Php44,000 kada buwan para sa disenteng pamumuhay.
“It is high time that we recognize and honor the very vital roles played by our soldiers and policemen by looking after their welfare and providing them with decent and adequate compensation as well as reasonable and substantial benefits,” saad sa joint resolution.
Sinabi ni Tulfo na ang DND, sa pakikipag-ugnayan sa AFP at Department of Interior and Local Government (DILG), pati na rin sa PNP, ay dapat magpahayag at agad na maglalabas ng mga guidelines at regulasyon na kinakailangan upang maipatupad ang mga probisyon ng jt. resolusyon.
Gayundin, ang Pamahalaan ay dapat maglaan taun-taon at isama sa General Appropriate Act ang halaga na tumutugma sa kabuuang taunang halaga ng pagtaas sa Subsistence Allowance.