Unemployment rate sa Pinas bumaba pansamantala
Ni Crema Limpin

PANSAMANTALA lamang ang datos na inilabas ng Philippine Statistics Authority na mababang bilang ng unemployment rate sa bansa ayon sa mga militanteng kongresista ,kaya huwag aniyang masyadong magdiwang ang administrasyong Marcos.
Sinabi nina Reps. Raoul Manuel ng Kabataan partylist at France Castro ng ACT, epekto lang ng tinatawag na “holiday fever employment” ang 4.3% unemployment rate na naitala ng PSA para sa huling buwan ng nakalipas na taon.
Sa datos ng PSA, umabot sa 6.6% ang walang trabaho noong Disyembre 2021, panahong ayon kay Manuel ay matindi pa ang dinaranas na dagok ng tigil operasyon ng mga negosyo bunsod ng pandemya.
Sa December 2022 report ng PSA, lumalabas na 2.2 milyong Pinoy lang ang walang trabaho – di hamak na mas mababa sa 3.27 milyon na naitala sa parehong buwan ng 2021.
“May holiday fever employment na bumugso noong Disyembre 2022 kung kailan may longer working hours ang mga manggagawa. Huwag po natin pagkamalan na ito ay marka ng pagbangon ng bayan mula sa krisis ng pandemya,” ani Manuel.
Mali rin aniyang isiping bumuti ang sitwasyon sa bansa batay sa survey na isinagawa ng Social Weather Station (SWS) kung saan sinasabing dumapa ang antas ng gutom sa hanay ng mga pamilyang Pilipino.
Paliwanag ni Manuel, 11.8% ng pamilyang Pinoy ang dumanas ng gutom noong December 2022 na mas mataas pa aniya sa 11.3% na naitala noong October ng naturang taqon.
“Kakarampot na nga ang dumagdag na trabaho, lalong dumami pa ang gutom at mahirap na Pilipino. Ibig sabihin lang nito, mas matagal nagtatrabaho ang mga manggagawa pero di ito natutumbasan ng nakabubuhay at sapat na sahod,” ayon pa sa mambabatas.
Ayon naman kay Castro, Walang katotohanan ang paandar ng gobyernong nagsabing dekalidad ang mga bagong likhang trabaho. Aniya, nadagdagan lang ang raket ng mga maabilidad na Pinoy sa kagustuhang matustusan ang pangangailangan ng kanilang pamilya.
Dapat rin aniya abangan ang mga susunod na datos ng PSA kung saan inaasahang lalabas ang tunay na sitwasyon ng estado.