PINAGTIBAY ng Komite ng Ways and Means sa Kamara na pinamumunuan ni Rep. Joey Sarte Salceda (2nd District, Albay), ang mosyon ni Rep. Rufus Rodriguez para sa Bureaus of Internal Revenue (BIR) at Customs, na sampahan ng nararapat na kaso laban sa mga sangkot sa iligal na importasyon ng mga disposable e-cigarettes, na nagkakahalaga ng P1.43 bilyon.
Nasa ikatlong pulong na ang lupon, na tumalakay sa usapin alinsunod sa House Resolution (HR) 1437, na inihain ni Rodriguez noong nakaraang Nobyembre 2023.
Ayon kay Rodriguez, hindi nagbayad ang mga importers ng excise tax at iba pang buwis sa pag-angkat nila sa mga naturang produkto papasok ng bansa.
“This ultimately redounds to a big loss in tax revenues intended for universal health care granting medical access to all Filipinos through the state-run Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth),” ayon kay Rodriguez. Noong Octubre 2023, ay sinalakay ng Customs at iba pang tauhan ng law enforcement ang isang bodega sa Lungsod ng Valenzuela at nadiskubre ang 1.4 milyong piraso ng disposable e-cigarettes.
Ibinahagi ni Salceda ang ulat sa delegasyon ng Pilipinas sa katatapos na World Health Organization Framework Convention on Tobacco Control na ginanap sa Lungsod ng Panama, na nag-alarma sa usapin ng nakabinbing implementasyon ng Republic Act 11900, s. 2022.
Ang implementing rules and regulations (IRR) ng batas ay nakatakda pa lamang ilabas, na ang deadline para sa pag-isyu nito ay sa Hunyo 2024.
Isinasaad sa RA 11900 na ang, “non-issuance of the IRR shall not prevent the implementation of the law.” Ang RA 11900 ay ang “Vaporized Nicotine and Non-Nicotine Products Regulation Act.” Inaprubahan rin ng lupon ang mga probisyon sa buwis na nilalaman ng substitute bill sa mga House Bills (HBs) 4206, 4714 at 4906, na naglalayong patatagin ang pakikipagkumpitensya ng isndustriya ng Philippine motor vehicle manufacturing, na inihain nina Reps. Rufus Rodriguez, Luis Raymund ‘LRay’ Villafuerte Jr. and Gus Tambunting.