MAGPAPALABAS ng humigit-kumulang 1.2 milyong bag, o humigit-kumulang 100,000 metriko tonelada ng lokal na bigas upang patatagin ang supply at palakasin ang food security sa bansa.
Ito ang ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand E Marcos Jr. sa Department of Agriculture (DA) na magsagawa ng auction sa bigas ng hindi bababa sa 100,000 metriko tonelada ngayong linggo , ayon kay Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa isang briefing.
“Inaasahang aabot sa PhP25 to Php28 per kilo ang floor price ng bigas, depende sa edad nito. Layunin din ng auction na paluwagin ang mga bodega para makapag-imbak pa ng karagdagang supply ng bigas – ibig sabihin lamang nito ay maganda ang ani ng ating mga magsasaka,” ani ni Castro.
Magpapalabas rin aniya ang gobyerno ng hindi pa tiyak na dami ng bigas para palawakin ang flagship program ng administrasyong Marcos na “Benteng Bigas, Mayroon na”, na nagpapahintulot sa mga benepisyaryo na makabili ng bigas sa halagang Php20 kada kilo.
Sa gitna ng mga nakaplanong pagpapalabas, patuloy na susubaybayan ng gobyerno ang mga presyo ng bigas upang maprotektahan ang mga mamimili at magsasaka mula sa mga walang prinsipyong indibidwal na nanamantala sa sitwasyon sabi pa ni Castro.
Nakikipag-ugnayan din ang DA sa mga magsasaka, miller, at mangangalakal upang maiwasan ang manipulasyon ng presyo at mapanatili ang katatagan ng merkado, sa pag-asam ng paparating na pagbabawal sa pag-import ng bigas, aniya.
Noong Agosto 6, iniutos ni Pangulong Marcos ang pagsuspinde sa pag-import ng bigas ng bansa sa loob ng 60 araw, simula Setyembre 1, upang maprotektahan ang mga lokal na magsasaka mula sa mababang presyo ng palay ngayong panahon ng ani.
