
NASAWI ang isang construction worker habang tatlong iba pa ang sugatan nang mabagsakan ng isang bahagi ng elevator sa ginagagawang construction site sa Bonifacio Global City, Taguig City noong Lunes ng umaga.
Sinabi ng pulisya na ang nasawi ay isang 39-anyos na trabahador.
Tatlong iba pang kapwa manggagawa ang ginagamot sa ospital.
Lumalabas sa inisyal na imbestigasyon na nagkakabit ng mga rebar ang mga manggagawa nang biglang gumuho ang elevator core wall bandang 11:10 ng umaga noong Lunes.
Tinamaan ng pader ang apat na biktima na nagtatrabaho sa Basement 2 ng site.
Isinugod sila sa St. Luke’s Medical Center para gamutin.
Ngunit isa sa mga manggagawa ang namatay habang ginagamot.