
ISA ang patay habang timbog ang dalawang drug suspek sa ikinasang buy-bust operation habang kumpiskado naman ang isang kilo ng hinihinalang shabu sa isang hotel sa Parañaque City nitong Martes bandang alas-10:30 ng gabi .
Ikinasa ng pinagsanib pwersa ng PDEA Cavite Provincial Office at PDEA Regional Office National Capital Region-Southern District Office at Special Operations Unit Philippine National Police Drug Enforcement Group ang buy-bust operation na nagresulta sa pagkakaaresto sa tatlong drug suspect, ngunit nanlaban ang isa sa mga suspek at pinagsasaksak ang isa sa mga operatiba na nag-udyok sa mga operatiba na agawin ang kutsilyo mula sa suspek.
Humantong sa pagkahirap huminga ng suspek habang nawalan ng malay kaya naman agad itong dinala siya sa ospital para sa medikal na interbensyon ngunit kalaunan ay binawian ng buhay dahil sa atake sa puso.
Nakilala ang suspek na si Stephen, 49- anyos na residente ng Makati City, habang ang dalawa pang naaresto ay kinilalang sina alyas Mohamad na isang German Syrian national , 32-anyos na residente ng Barangay Poblacion Makati; at alyas Mikhaela, 24-anyos na residente naman ng Project 6, Quezon City.
Nakumpiska mula sa mga suspek ang humigit-kumulang 1000 gramo ng hinihinalang shabu, buy-bust money at isang pirasong glass tooter pipe.
Kasong paglabag sa Section 5 (Sale of Dangerous Drugs) Section 11 (Possession of Dangerous Drugs) Section 12 (Possession of Drug Paraphernalia) at Section 15 ( Use of Dangerous Drugs) ang isasampa laban sa mga naarestong suspek na pansamantalang nakakulong sa PDEA Regional Office 4a Custodial City Facility sa Laguna.