PINABULAANAN ni Laguna PNP Provincial Director Police Colonel Jonar Yupio, ang mga kumakalat na balita online na nagsasabing sampung hepe ng pulis sa lalawigan ay may kinahaharap na kasong administratibo dahil hindi dumalo sa pagdiriwang ng ika-100 araw sa panunungkulan ni Gobernadora Sol Aragones.
Ayon kay Yupio, ang naturang ulat ay “mali at nakalilinlang.”
“ Ang nasabing ulat ay walang katotohanan at nagdudulot ng maling impormasyon sa publiko. Walang mga hepe ng pulisya ng Laguna ang nahaharap sa kasong administratibo o tinanggal sa pwesto, ngunit bilang hakbang ng Laguna PNP ang mga nasabing hepe ay pinagsumite ng kani-kanilang paliwanag kaugnay sa nasabing kaganapan.
“Wala rin inilabas na direktiba o utos na magpapatunay ng aksyong administratibo para sa hindi pagdalo, bigay diin ni Yupio.
Lahat ng aming mga hepe ay nasa maayos na katayuan at patuloy na nagtatrabaho nang buong sigasig,” pahayag ni Yupio.
Nilinaw din niya na ang isyu ay panloob na usapin ng Laguna PNP at walang kinalaman kay Gobernadora Aragones, taliwas sa mga balitang lumalabas sa social media.
“Bagama’t hinihikayat ang pagdalo sa mga opisyal na pagtitipon, walang anumang kautusan na maaaring magresulta sa kasong administratibo kung hindi makadalo. Anumang ulat na walang batayan na maaring magdulot ng kalituhan at kasiraan sa integridad ng Laguna PPO at mga Opisyal nito” paliwanag ni Yupio.
Binigyang-diin din niya ang kahalagahan ng patas na pamamahayag. na dapat hingin ang panig ng lahat ng personalidad na binabanggit sa balita.
Hinimok ni Yupio ang mga mamamahayag na tiyaking tama at beripikado ang mga impormasyon bago ito ipalathala.
Giit pa ni Yupio, nananatiling matatag ang Laguna PPO sa kanilang layuning maging tapat, propesyonal, at maaasahan sa pagtupad ng tungkulin bilang tagapangalaga ng batas.
Dagdag pa ni PD Yupio, tila may ilang grupo na gustong sirain ang magandang imahe ni Gobernadora Aragones dahil sa maganda niyang pamumuno at mga proyektong nakatutulong sa mga taga-Laguna.
Ayon pa kay Yupio, ang patuloy na pagpapakalat ng maling impormasyon ay tila tangka na pahinain ang pamunuan ni Gob Sol.
Bukas ang tanggapan ni Gob. Sol at Laguna PIO sa lahat ng tanong at impormasyon na kakailangani ng mga kapatid natin sa media.
