Matatanggap na ng 139,000 tricycle drivers sa Metro Manila ang P5,000 cash relief assistance sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) program ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) simula bukas, March 17.
Ito’y bilang tugon sa utos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., na bigyan ng agarang tulong ang mga apektadong sektor sa gitna ng krisis sa langis dulot ng nagpapatuloy na gulo sa Middle East.
Aktibong nakikipag-ugnayan ang Department of Transportation (DOTr) sa DSWD at mga lokal na pamahalaan para sa pamamahagi ng ayuda.
“Ang ginagawa namin ngayon sa DOTR, LTFRB, kailangan na namin ibigay yung listahan pagdating sa other transport groups. So, nakumpleto na namin yung TNVS, motorcycle taxis at kinukumpleto pa din namin yung ibang listahan namin and we’re coordinating closely pagdating sa delivery riders,” ani Sec. Lopez.
Ayon kay DSWD Secretary Rex Gatchalian, magkakaroon ng help desks sa bawat payout sites para sa anumang concern sa ayuda.
“Sa mga driver natin, simple lang ang dadalhin ninyo bukas, driver’s license, original pati isang photocopy. Yun lang, wala na pong iba pang dokumento. Ito ay alinsunod sa direktiba ng ating Pangulo na tulungan ang ating mga tsuper pero siguraduhin din na mabilis ang proseso,” ayon kay Sec. Gatchalian.
Nilinaw naman ni Sec. Lopez na magkaibang programa ang ipatutupad ng DSWD at DOTr para sa mga drivers at operators na apektado ng big-time oil price hike.
“Linawin ko lang po, dalawang programa po ito. Sa AICS po limang libo po iyan. Alalahanin natin na mayroon ding P2.5-B fuel subsidy under DOTr. Ano ba yung mga transport modalities under the LTFRB na kasama dito: buses – provincial, metro, P2P. Taxis – regular taxis natin, jeepney whether modern or traditional tapos school service,” ayon kay Sec. Lopez.
Kasama din sa makatatanggap ng fuel subsidy ang TNVS, airport at MC taxis. Sa oras na makuha ang pondo para sa fuel subsidy, agad na sisimulan ang distribusyon nito.
