NATIMBOG ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang dalawang Chinese nationals dahil sa pagtatago ng mga substandard foam na nagkakahalaga ng mahigit P5 milyon matapos salakayin ang isang bodega sa Minalin, Pampanga nitong Abril 7.
Ayon kay Col. Grant Gollod, hepe ng CIDG Regional Field Unit 3, na ang mga naaresto ay sina alyas “Sho,” 29, ang umano’y may-ari at operator ng negosyo ng foam, at alyas “Yew,” 66, ang human resources manager ng kompanya.
Isinagawa ang operasyon sa ilalim ng “Oplan Megashopper” nang ihain ang isang search warrant na inisyu ng regional trial court laban sa isang bodega na matatagpuan sa CDCP Industrial Park sa Bgy. Sta. Maria.
Sinalakay ng mga operatiba mula sa CIDG Regional Field Unit 3, sa pakikipagtulungan ng Pampanga Provincial Field Unit, Police Regional Office 3, at Minalin Municipal Police Station ang bodega kung saan tumambad ang iba’t ibang produktong foam at mga kaugnay na bagay sa ilalim ng tatak na “Shuey Foam”, kabilang ang mga kutson, foam para sa kama, foam para sa kama ng aso, at mga bundle ng bedsheet, na may tinatayang halaga sa merkado na P5,051,130.
Sinabi ni Gollod na ang mga nakumpiskang bagay ay natuklasang hindi sumusunod sa mga pamantayang itinakda ng Department of Trade and Industry (DTI), lalo na sa mga kinakailangan sa mandatory labeling, na lumalabag sa Article 77 ng Republic Act No. 7394 o ang Consumer Act of the Philippines.
Kasama sa operasyon ang mga kinatawan ng DTI upang kumpirmahin ang mga produkto ay hindi sumusunod sa mga regulasyon .
Nakakita rin ang mga imbestigador ng mga pagkakaiba sa nakarehistrong negosyo ng kumpanya sa aktwal na operasyon naiiba sa mga nakasaad sa mga dokumento ng Securities and Exchange Commission (SEC), kabilang ang hindi pagtutugma sa rehistradong address ng negosyo nito.
Naglabas din ng sertipikasyon ang mga opisyal ng barangay ng Sta. Maria, Minalin na nagpapatunay na ang bodega ay nasa loob ng kanilang hurisdiksyon, taliwas sa mga pahayag na nag-uugnay dito sa ibang barangay.
Dinala ang mga naarestong suspek sa tanggapan ng CIDG Regional Field Unit 3 para sa dokumentasyon at sasampahan ng kasong paglabag sa Republic Act 7394 o ang Consumer Act of the Philippines.
Nakikipag-ugnayan na rin ang mga awtoridad sa Bureau of Immigration (BI) upang beripikahin ang legal na katayuan ng mga naarestong dayuhan.
