
APAT na bata, kabilang ang isang kambal, ang namatay nitong Miyerkules habang walo ang sugatan sa pagsabog ng paputok sa Valenzuela City.
Kinilala ang mga nasawi na sina Jiford Rey Pormento, 2-anyos, kambal na sina Ronamie at Ronalyn Sabili, 7-anyos; at isang 13 taong gulang na hindi pa matukoy ang pangalan .
Dead on the spot ang kambal na Sabili.
Habang pumanaw naman ang 2-anyos na batang lalaki habang ginagamot sa Valenzuela Medical Center at ang 13-anyos na babae naman ay binawian naman ng buhay sa Tondo Medical Center.
Walo pa ang ginagamot sa Valenzuela Medical Center. Kinilala ang mga ito na sina Rosita Gonzales, 63; Lita Monsales, 52; Evelyn Esplago, 31; Michaela Sural, 24; Roujay Bautista, 24; isang 9 na taong gulang na batang babae; isang 7 taong gulang na batang babae; at isang 5 taong gulang na batang lalaki.
Sa inisyal na imbestigasyon, naganap ang pagsabog dakong 11:33 ng umaga noong Miyerkules sa #173 Pieces St., Batimana Compound sa Bgy. Marulas, kung saan iniimbak ang mga paputok na tinatawag na “kwitis” sa loob ng bahay ng isang Rodjay Bautista.
Si Captain Robin Santos, hepe ng Station Investigation and Detective Management Section (SIDMS) ng Valenzuela City Police Station ay nagsabi na ang isang komprehensibong imbestigasyon ay isinasagawa upang alamin ang mga pangyayari sa paligid ng pagsabog, kabilang ang paghahanda ng kasong criminal o legal responsibility.
Sa kalunos-lunos na insidente, pinaalalahanan ng pulisya ang publiko ng panganib na dulot ng hindi wastong pag-iimbak ng mga pampasabog na materyales sa mga residential na komunidad.
Hinimok ni Valenzuela City police chief Col. Joseph Talento ang publiko na manatiling mapagmatyag at agad na iulat ang anumang hindi ligtas o kahina-hinalang aktibidad sa kanilang lugar upang maiwasan ang mga katulad na trahedya.
Samantala, sinabi ni Valenzuela Mayor Weslie Gatchalian na ibibigay ng pamahalaang lungsod ang kinakailangang tulong sa mga pamilyang nawalan ng tirahan sa pagsabog.