PINARANGALAN ang 40 natatanging indibidwal at organisasyon ng Department of Agriculture IV- CALABARZON (DA-4A) sa ginanap na Regional Awarding Ceremony ng Gawad Saka Awardees, Top- Performing Farmers’ Cooperatives and Associations (FCAs), at Agricultural Extension Workers (AEWs) sa bawat lalawigan sa rehiyon para sa taong 2025.
Ang parangal ay isinagawa sa buong buwan ng Marso na may layong kilalanin ang mga tinaguriang huwaran sa pagpapaunlad ng agrikultura sa rehiyon na naging bahagi ng suporta sa pagpapalakas ng produksyon ng pagsasaka at pagpapaigting sa seguridad ng pagkain.
Dito ay 23 ang mga ginawaran para sa 50th National Gawad Saka kabilang na ang mga sumali, na- endorso, na-shortlist, naging national finalist, at nanalo sa buong bansa gaya ni Bb. Gemma E. Chavez na tinaguriang Outstanding Large Animal Raiser Adopting Integrated Farming System.
Labing dalawang samahan ng mga magsasaka naman ang tinukoy na Top-Performing FCA ng mga banner programs na nakapasok sa kanilang pamantayan gaya ng pagiging akreditado sa Civil Society Organization (CSO), may malaking partisipasyon sa komunidad, at iba pa.
Kasabay din dito ang limang Outstanding AEW sa buong CALABARZON sa ilalim ng High Value Crops Development Program (HVCDP) na nagpakita ng husay sa serbisyo at aktibong pakikipag-ugnayan sa Kagawaran.
Ayon kay Bb. Ivy Rose A. Diones mula sa lalawigan ng Cavite, na nakatanggap ng parangal bilang Outstanding AEW noong ika-23 ng Marso, bonus na lamang ang nasabing parangal dahil ang makita nilang umuunlad ang mga ginagabayan at tinutulungang magsasaka ay isang panalo na sa bawat kawani na nasa larangan ng agrikultura.
