LIMANG pulis ang nasawi noong Sabado ng gabi habang tatlo ang nasugatan nang tambangan ng mga armadong lalaki sa Maguindanao del Sur.
Ang mga biktimang pulis ay mga miyembro ng 2nd Provincial Mobile Force Company ng Maguindanao Provincial Police Office.
Papunta na sila sa kanilang detachment sa Shariff Aguak, Maguindanao matapos ang isang operasyon ng pagpapatrolya nang mangyari ang insidente.
Mariing kinondena ni Philippine National Police (PNP) chief Gen. Jose Melencio C. Nartatez Jr. aniya, “Ang karumal-dumal na gawaing ito ay isang direktang pag-atake sa mga tagapagpatupad ng batas at isang banta sa kapayapaan at kaayusan. Naglunsad ang Philippine National Police ng pinaigting na hot pursuit operations, sa pakikipagtulungan ng Armed Forces of the Philippines, upang matiyak ang mabilis na pagkilala at pag-aresto sa mga salarin,” .
Tinitiyak ng mataas na opisyal ng pulisya sa publiko na ang lahat ng kinakailangang hakbang ay isinasagawa upang mapanagot ang mga responsable.
“Ang Pambansang Pulisya ng Pilipinas ay nagpaabot ng lubos na pakikiramay sa mga pamilya ng ating mga nasawing tauhan. Ang kanilang katapangan at sakripisyo ay hindi kailanman malilimutan,” sabi ng hepe ng PNP.
Agad na ipinadala ang pinagsamang puwersa ng pulisya at militar sa lugar upang pangalagaan ang lugar at kunin ang mga bangkay ng mga biktima at dalhin ang mga sugatan sa ospital.
Inatasan ni Nartatez ang direktor ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region na si Brig. Gen. Jaysen C. de Guzman na magsasagawa ng follow-up operations at bubuo ng matibay na kaso laban sa mga salarin.
