INILAGAY na sa heightened alert status ng Philippine National Police sa buong Semana Santa kung saan ay magde-deploy ng mahigit 60,000 kapulisan sa buong bansa, kabilang ang halos 40,000 uniformed police officers, humigit-kumulang 30,000 support at force multiplier units, na tututok sa mga transport hub, pangunahing kalsada, at mahigit 3,200 tourist at convergence areas,.
Nakaantabay rin ang 40,000 BFP sa ilalim ng Code Red Alert sa buong bansa upang matiyak ang agarang pagtugon sa emergency at pinaigting na pag-iwas sa sunog sa mga simbahan, transport terminal, at iba pang lugar na pupuntahan ng publiko, kasama ang pagpapatupad ng Oplan Semana Santa at Lakbay Alalay.
Binigyang-diin ng department of Interior and Local Government ( DILG) na higit pa sa mga deployment at bilang, malinaw ang layunin: dapat ligtas na maipagdiwang ng bawat Pilipino ang Semana Santa, makapaglakbay nang may kapayapaan ng isip, at makauwi sa kanilang mga pamilya nang walang pinsala.
Sa isang memorandum, inatasan ng DILG ang mga local chief executive (LCE) na tipunin ang kanilang mga Local Peace and Order Council at mga kinauukulang pangkat upang matiyak ang ligtas at maaasahang pampublikong transportasyon, mga serbisyong medikal para sa emergency at iba pangsupport system at pakilusin ang mga tagapagpatupad ng batas at trapiko, mga Barangay Peacekeeping Action Team, mga pampublikong puwersa ng kaligtasan, mga tauhang medikal, at iba pang mga force multiplier upang masiguro ang mga hotspot at mga lugar na mataas ang trapiko.
