TINIYAK ngayong Lunes ng Kagawaran ng Edukasyon (DepEd) sa mga mambabatas na agad nilang ipapabatid kapag nagpasya ang Tanggapan ng Pangulo (OP), hinggil sa panukala ng DepEd na ibalik ang mga pampublikong paaralan sa lumang academic calendar.
Ipinangako ito ni Dr. Leila Areola, Director IV ng DepEd Bureau of Learning Delivery, sa harap ng mga miyembro ng Komite ng Basic Education and Culture ng Kamara, sa pamumuno ni Pasig City Rep. Roman Romulo.
Nagdaos ang lupon ng pagdinig ang oversight ngayong Lunes upang talakayin ang ilang mga usapin, kabilang na ang mungkahing timetable para sa pagbubukas ng klase para sa school year 2024-2025 at mga susunod pa, gayundin ang mga hamon sa pagpapatupad ng school calendar.
“DepEd is really working on the gradual shift of the school calendar to the pre-pandemic school calendar. From the original five-year period for the gradual shift, and due to the recent clamor also, we have to speed up (the shift).
We tried to look for options, and as of now it’s down to two years. We have submitted options to the Office of the President and should we have their statement already, we will discuss it with the OP, then the DepEd will apprise this committee,” ayon kay Areola.
Sinabi ni Romulo na sa nakaraang huling pagdinig ng Komite, ay hindi sumang-ayon ang mga mambabatas sa limang taong plano sa paglilipat.
“Ang gusto talaga ng lahat bumalik na sa old calendar sa dami nating naririnig na problema dala ng kainitan ng panahon,” aniya. Ang muling pagbabalik sa lumang school calendar ay mangangahulugan na ang bakasyon ng mga mag-aaral ay sa panahon na muli ng tag-init, sa mga buwan ng Abril at Mayo, ayon pa sa kanya.
“Alam ng lahat face-to-face (classes) ang pinaka-importante, ayaw po natin ng online, ayaw natin ng asynchronous or whatever, gusto natin, doon tayo sa face-to- face makabalik,” ani Romulo.
Sinabi ni Romulo na magsusumite ng ulat sa lupon ang DepEd kapag may abiso na ang Malacañang hinggil sa usapin.
“The direction now is to revert to the old academic calendar within two years, starting year one, which is now,” aniya.
Tinanong din ng mga mambabatas, kabilang si ACT Teachers Party-list Rep. France Castro kung ang graduation day sa susunod na taon ay bago, habang o matapos ang ika-12 ng Mayo 2025 pambansang halalan dahil napansin niya na ang school year 2024-2025 ay magtatapos sa ika-16 ng Mayo 2025, batay sa DepEd Memorandum No. 3, s. 2024-2025, at kanyang hinimok ang DepEd na ikonsidera ang mga guro na gaganap ng tungkulin sa halalan, kapag nagpasya sa petsa ng graduation ng mga mag-aaral.
Nagpahayag naman ng kanilang mga suporta sina ACT Philippines national chairperson Vlademeir Quetua, Teachers Dignity Coalition president Benjo Basas, Philippine Elementary Principals Association treasurer Noel Gelua, at National Parent Teacher Association national president Willy Rodriguez, sa mabilisang pagbabalik sa lumang school calendar sa loob ng dalawang taon imbes na limang taon.
