DINUKOT noong Miyerkules ng hindi kilalang mga armadong lalaki ang isang 33-anyos na babaeng Chinese mula sa kanyang inuupahang bahay sa Bgy. Navarro, General Trias City, Cavite.
Bineberipika ang pangalan ng biktima.
Lumabas sa imbestigasyon na nangyari ang umano’y kidnapping alas-3 ng madaling araw noong Miyerkules ngunit iniulat lamang sa pulisya pagkatapos ng mahigit tatlong oras.
Nasa kanyang inuupahang bahay ang biktima kasama ang ilang kasambahay nang biglang dumating ang siyam na lalaki na armado ng baril sakay ng dalawang kotse, isang pulang Mitsubishi adventure (NCY-4936) at isang silver na Mitsubishi Mirage (NAF-5112).
Bumaba ang mga kidnapper sa mga sasakyan at pumasok sa bahay.
Nang makita ng mga suspek ang kanilang target, puwersahang kinaladkad ng mga suspek ang biktima patungo sa naghihintay na sasakyan sa labas.
Sinabi ng pulisya na ninakaw din ng mga kidnapper ang mga personal na gamit, kabilang ang isang cellphone. Dinala rin nila sa kanilang pagtakas ang Mercedez Wagon ng biktima na may plate no. NFT-3998 .
