PINURI ng Kabataan Partylist ang Philippine Medical Association sa pagdedeklara nito bilang epidemic sa mga kabataan ang paggamit ng alcohol, tabako at vape.
Sinabi ni Kabataan Partylist First Nominee and Spokesperson Atty. Renee Louise Co na tama lang na magdeklara ng epidemic ng tobacco at vape sa hanay ng kabataan para seryosong maharap itong problema at hindi mahikayat ang ilang mga kabataan na maging sandigan ang mga bisyo bilang coping o escape mechanism sa mga problema sa buhay.
Aniya, “Para sa ilang mga kabataan, mas mura pa ang ilang stick ng yosi bilang panandaliang ginhawa kaysa masustansyang pagkain. Hindi na nga maibaba ng Marcos Jr admin ang presyo ng pagkain, pinasa pa ng Kamara ang panukalang batas para ibaba ang presyo ng tobacco and vape products,”.
“Hindi dapat isakripisyo ang kalusugan ng kabataan alang-alang sa kita ng malalaking kumpanyang nagbebenta ng yosi. Dapat ding palakasin ng DOH at DepEd, katuwang ng mga SK, ang aktibong pagpapalaganap ng impormasyon tungkol sa mga epekto ng yosi at vape sa katawan,” ani naman ni Kabataan Rep. Raoul Manuel.
