NASABAT ang mahigit tatlong milyong pisong halaga ng shabu sa pinagsamang buy-bust operation sa likod ng isang parking lot sa isang gusali sa Barangay Gatid, Sta. Cruz, Laguna.
Naaresto ng pinagsamang mga operatiba ng PDEA Regional Office 4A Special Enforcement Team 2 at Santa Cruz Municipal Police Station Drug Enforcement Unit nitong Lunes ang dalawang suspek na tinaguriang high-value drug personalities na nakilalang sina alias Leovigildo, 38, lat si alias Allan, 45, parehong residente ng Barangay Biñan, Pagsanjan, Laguna.
Nakuha sa mga suspek ang limang piraso ng knot-tied transparent plastic bag na naglalaman ng humigit kumulang na 500 gramo ng pinaghihinalaang shabu na may halagang Php3,400,000.00 at buy-bust money.
Nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang mga suspek na ngayon ay nasa kostodiya ng PDEA Region 4A Custodial Facility sa Santa Rosa City, Laguna.
