MARIING tinututulan ni Deputy Speaker at Representative ng First District ng Zambales na si Jay Khonghun hinggil sa patuloy na paglaganap ng online gambling sa ating bansa.
Aniya, sa unang tingin ito’y tila simpleng aliwan lamang at itinuturing ng ating mga kababayan na isang virtual na laro ng suwerte. Ngunit sa likod ng makukulay na graphics at mabilisang kita, libo-libong pamilya ang unti-unting nasisira.
Nagbigay siya ng isang halimbawa ng isang ama na nalululong at nauubos ang kita sa isang pindot lamang at ang isang ina ay napipilitang mangutang dahil sa asawang nalulong sa pustahan. Ang mga anak ay napapabayaan ang edukasyon at naisasantabi, at maraming mga tahanan ang nawawasak.
Sinabi pa ni Khonghun na hindi ito simpleng isyu ng moralidad bagaman ito’y isang isyu ng kapakanan, kabuhayan, at kinabukasan.
Sa bawat araw ay mas maraming Pilipino pa ang naaakit sa online gambling lalo na sa mga ng mga pangakong madaliang pag -yaman, ngunit kapalit nito’y pagkabaon sa utang, pagkakasakit sa isip, at minsan pa nga ay humahantong sa pagkamatay.
Inihalintulad pa niya na ang online gambling ay tahimik na salot—sumisira, sumasakal, at nagpapahina sa pundasyon ng ating lipunan.
Kaya naman ganun na lamang ang kanyang malasakit sa ating mga kababayan na naaapektuhan ng laganap na sugal na ito.
“ Bilang lingkod-bayan, tungkulin nating pigilan ang anumang uri ng sistemang nagpapayaman sa iilan kapalit ng pagkasira ng marami. Hindi natin kayang ipikit ang ating mga mata habang dahan-dahang nilalamon ng bisyo ang ating mga kababayan,” ani ni DS Khonghun.
Sinabi rin niya na “Ang tunay na progreso ay hindi makakamit sa mga numerong tumutugma sa isang screen, kundi sa pagkakaroon ng matatag na pamilya, edukadong kabataan, at malinis na pamahalaan” .
Kaya naman seryoso siya sa kanyang panawagan na itigil na ang online gambling, at huwag rin aniyang hayaan ang kinabukasan ng ating mga anak na matalo sa isang laro ng panandaliang suwerte.
“Ang bansa natin ay hindi dapat pinamumunuan ng bisyo—kundi ng dangal, disiplina, at malasakit” dagdag pa ni DS Khonghun.
