
DALAWANG babaeng pasahero ang nasawi noong Sabado habang dalawa pa ang sugatan nang mabangga ang isang tricycle ng isang sports utility vehicle sa Hermosa, Bataan.
Isang ulat kay Police Regional Office 3 (PRO3) director Brig. Gen. Ponce Rogelio Peñones Jr. ng Bataan police, ang mga nasawi ay ang mga pasahero ng trike na sina Karmina Isabell Calanoc at Marielle Turla.
Sugatan ang ikatlong pasahero na si Olivia Torres at trike driver na si Alvin Benavente na pawang mga residente ng Bgy. San Simon, Dinalupihan, Bataan.
Sa inisyal na pagsisiyasat, nakita ang tricycle na minamaneho ni Benavente, kasama ang tatlong biktimang pasahero, patungong Orani, Bataan nang makarating sa harap ng Palawan Pawnshop sa Roman Superhighway sa Bgy. Palihan, isang Ford Ranger na minamaneho ni Jose Jorge, 30, ng Tierra Feliza, Bgy. Upper Tuyo, Balanga City, Bataan, ang nahagip sa tagiliran ng trike na siyang naging dahilan para bumangga sa tricycle sa poste ng kuryente.
Ang trike driver at ang tatlong pasahero ay dinala sa Dinalupihan District Hospital, kung saan idineklarang dead on arrival ang dalawa.
Nasa kustodiya na ngayon ng Hermosa police ang driver ng SUV at sasampahan ng kasong reckless imprudence resulting in multiple homicide, physical injuries at damage to property.