
NAGLABAS ang Department of Justice (DOJ) ng Immigration Lookout Bulletin Order (ILBO) laban sa negosyanteng si Charlie “Atong” Ang, aktres na si Gretchen Barretto at iba pa dahil sa pagkakasangkot umano sa kaso ng mga nawawalang mga sabungeros .
Sinabi ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla, sa isang press conference nitong Biyernes, na kasama sa ILBO sina dating National Capital Region Police Office chief, retired police Lt. Gen. Jonnel Estomo at mahigit 50 iba pang respondents na pinangalanan ng whistleblower na si Julie “Dondon” Patidongan alyas “Totoy.”
Sinabi ni Remulla na isa sa mga respondent na kapatid ni Ang, ay nakaalis na ng bansa bago pa mailabas ang ILBO.
“May isang umalis sa bansa. Ewan ko lang kung nakabalik na,” ayon sa DOJ Secreatry.
Ang mga ILBO ay nag-uutos sa mga tauhan ng imigrasyon na subaybayan ang mga paggalaw ng isang paksa palabas at papasok ng bansa ngunit hindi sila pinahihintulutan na hadlangan ang pag-alis.
Sinabi rin ni Remulla na may posibilidad din na maglabas ang DOJ ng Precautionary Hold Departure Order (PHDO) laban sa mga respondent sakaling makita ng panel of prosecutors na kinakailangan.
Sisikapin ng PHDO na pigilan ang mga respondent na umalis ng bansa hanggang matapos ang pagsisiyasat ng DOJ para sa probable cause.
Noong Agosto 1, isinampa ang mga reklamong pagpatay laban kina Ang, Barretto, at ilang iba pa ng mga kaanak ng mga nawawalang “sabungero” batay sa mga testimonya ni Patidongan.
Pawang itinanggi nina Ang, Barretto, at Estomo na sangkot sila sa umano’y pagkidnap at pagkawala ng ilang mahilig sa sabong na ayon kay Patidongan, ay itinapon sa Taal Lake.