
NAGBABALA si Senador Bam Aquino na handa siyang burahin ang buong P270-bilyong pondo para sa flood control projects sa 2026 national budget kung hindi ito maayos na matutukoy at mailalaan sa flood-prone areas.
“If that is not corrected. Kung hindi iyon ayusin base sa talagang pinaka-flood prone areas. My inclination is to just delete the whole (flood control) budget,” wika ni Aquino sa briefing ng Development Budget Coordination Committee (DBCC) hinggil sa 2026 National Expenditure Program (NEP).
Ayon kay Aquino, nakasalalay ang hamon ng pagkakaroon ng makatotohanan at needs-based flood control budget sa bagong kalihim ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na si Vince Dizon, na pumalit sa nagbitiw na si Manuel Bonoan.
“The challenge I posed to him (Bonoan) and now will be the challenge of Secretary Dizon is to come back to the Senate before the end of the budget and to come up with a real flood control budget. Hindi iyong naka-divide based on districts, but naka-allocate based on true needs and true flooding problems,” wika ni Aquino, na vice chairperson din ng Committee on Finance.
Kapag nakapaghain na ng malinaw na plano sa flood control ang DPWH, inaasahan ni Aquino na magkakaroon ng malaking sobrang pondo na maaaring ilipat sa ibang mahahalagang sektor gaya ng edukasyon at kalusugan.
“We know, we have our classroom problems, we have internet connectivity problems in our schools. Marami tayong problema sa eskuwelahan natin. Definitely, the education budget needs to be supported further,” wika niya.
Binanggit din ng senador ang pangangailangang dagdagan ang pondo ng Universal Healthcare Law, na isinulong ni Sen. JV Ejercito bilang principal sponsor, upang matiyak ang tama at ganap na implementasyon nito.
Nauna nang hinimok ni Aquino ang pamahalaan na kunin ang mga Pinoy scientist sa pagbuo ng science-based flood control measures at ilaan ang malaking pondo sa climate resiliency projects na makapagliligtas ng buhay at makakapagprotekta ng mga komunidad.
Binigyang-diin niya ang kahalagahan ng paglalaan ng pondo para sa integrated at scientific solution upang matugunan ang ugat ng pagbaha, mula sa imprastruktura hanggang sa epekto ng climate change, sa halip na mag-aksaya ng bilyon-bilyong piso sa hindi epektibong flood control projects.