
TINULDUKAN na ni Oriental Mindoro Governor Humerlito “Bonz” Dolor ang dalawang buwang pananahimik makaraang pormal siyang nagsampa ng reklamo laban sa mga indibidwal na nagpapakalat ng “fake news” at paninira gamit ang isang pekeng Facebook page maging ang kanyang larawan.
Isinampa ni Dolor ang reklamo sa Provincial Prosecutor’s Office na nagpapatunay na seryoso ang hakbang ng gobernador laban sa mga mapanirang post online.
Ayon kay Dolor, ang paggamit ng kanyang litrato upang sirain siya ay hindi dapat palampasin.
“Maitatago ninyo ang inyong mukha pero hindi ang inyong pagkatao,” diin ni Dolor sa kanyang video post.
Binigyang-diin niya na ang batas ay “pantay at may pangil” para sa lahat, lalo na sa mga gumagamit ng social media bilang plataporma sa paninira at pagkalat ng maling impormasyon.
Sa tulong ng National Bureau of Investigation (NBI) Cybercrime Division, madali nang matukoy ang mga nasa likod ng mga pekeng account at paninira sa internet.
“At ngayon, may nasampolan na.”
Mabigat ang parusa sa ilalim ng Republic Act No. 10175 o Cybercrime Prevention Act of 2012, kung saan ang cyber libel ay may parusang hanggang 12 taong pagkakakulong.