SINABI ni Senador Win Gatchalian na ang pagsasabatas ng E-Governance Act, na nagmamandato ng digitalization sa lahat ng proseso sa gobyerno, ay inaasahang magpapabago sa paghahatid ng serbisyo publiko.
Ayon kay Gatchalian, ang batas na naglalayong magtatag ng isang secure na digital system upang gawing simple ang mga proseso sa gobyerno, ay magbibigay-daan sa publiko na ma-access ang mga serbisyo ng gobyerno anumang oras at saan mang lugar. Partikular na makikinabang dito ang mga naninirahan sa malalayong lugar at iyung may pisikal na kapansanan.
“Sa pamamagitan ng bagong batas na ito, mas magiging madali at maaasahan ang mga serbisyong ibinibigay ng gobyerno para sa ating mga kababayan. Paiigtingin din nito ang transparency sa pagpapatupad ng iba’t ibang programa ng pamahalaan,” pahayag ni Gatchalian, na co-author ng batas.
Ang bagong batas ay magpapahusay pa lalo sa paghahatid ng serbisyo publiko, dahil aalisin nito ang pangangailangan para sa pisikal na paglalakbay at manual na pagproseso. “Inaasahan ding makakatipid ang ating mga kababayan na nangangailangan ng serbisyo mula sa gobyerno,” dagdag ni Gatchalian.
Makakatulong ang naturang batas na mabawasan ang katiwalian, titiyakin na ang mga proyekto ay isinasagawa nang bukas sa publiko, pagdidiin ni Gatchalian, ang chairman ng Senate Committee on Finance.
