
NAGSAMPA ng kasong perjury sa Quezon City Prosecutor’s Office si Senador Jinggoy Ejercito Estrada noong Martes laban kay dating Department of Public Works and Highways (DPWH) engineer Brice Hernandez.
Apat na counts ng perjury ang idinidiin ni Estrada laban kay Hernandez bunsod ng mga pahayag nito sa House of Representatives’ Infrastructure Committee (Infracom) at Senate Blue Ribbon Committee inquiries.
Ayon sa legal counsel ni Estrada na si Bianca Soriano, ang apat na partikular na pahayag ni Brice Hernandez na binanggit para sa perjury ay ang kanyang claim hinggil sa umano’y 30 percent kickback na natanggap ni Estrada hinggil sa maanomalyang flood control project; ang kanyang paggigiit na ang isang Beng Ramos ay umano’y tauhan ni Estrada; ang paggamit niya ng pekeng issued ID sa Okada Manila at iba pang casino; at ang kanyang deklarasyon na hindi siya sangkot sa mga maanomalyang proyekto sa flood control na iniimbestigahan.
Sa kanyang complaint-affidavit, inakusahan ni Estrada si Hernandez ng paggawa ng mga maling pahayag sa ilalim ng panunumpa at malisyosong paggawa ng mga kasinungalingan upang sirain ang kanyang pangalan at reputasyon.
“Si Respondent Hernandez ay publiko at malisyosong gumawa ng mga kasinungalingan sa ilalim ng panunumpa na may malinaw na layunin na sirain ako, ang aking pangalan, at ang aking reputasyon,” sabi ni Estrada sa kanyang sinumpaang affidavit.
“Dahil dito, kinakasuhan ko si respondent Hernandez ng crime of perjury sa ilalim ng Article 183 ng Revised Penal Code,” dagdag niya.
Dati nang nagsilbi si Hernandez bilang assistant district engineer ng DPWH Bulacan 1st District Engineering Office bago inilagay sa ilalim ng Witness Protection Program ng DOJ kasunod ng kanyang testimonya sa isinasagawang imbestigasyon sa umano’y iregularidad sa mga flood control projects.
Ayon kay Hernandez, si Estrada ay naginsert ng humigit-kumulang P355 milyong halaga ng flood control projects sa Bulacan at umano’y tumanggap ng kickback mula sa mga contractor.
Paulit-ulit na itinanggi ng senador ang mga akusasyon, na tinawag nilang walang basehan at may motibo sa pulitika.