
MAGLALABAS ng show cause order ang LTO ngayong araw ng Miyerkules laban sa driver ng kotse na bumangga sa motorsiklo ng 15-anyos na estudyante sa Teresa , Rizal kahapon.
Ipinag-utos ni Acting Transportation Sec. Giovanni Lopez ang pagkansela ng lisensya ng nagmamaneho ng sasakyan kasunod ng direktiba ng Pangulo na panagutin ang mga iresponsableng tsuper sa paglalagay ng panganib sa buhay ng mga gumagamit ng kalsada.
Agad namang inatasan ni Lopez ang Land Transportation Office (LTO) na hanapin ang driver at patawan ng habambuhay na pagbawi ng lisensya.
Nagka-aregluhan naman ang pamilya ng 15-anyos na estudyanteng sakay ng motorsiklo na hinabol ng kotse makaraang masagi ang kanyang sasakyan noong Martes, Oktubre 7.
Nakita sa closed-circuit television (CCTV) ang estudyante na sakay ng walang helmet, habang hinahabol ng driver na biglang bumangga sa kanyang motorsiklo, dahilan para matumba at gumulong sa lupa.
Bago ang habulan, sinabi ng driver na nasagi ng estudyante at nagasgasan ang kanyang sasakyan, dahilan para habulin ng estudyante na hindi huminto .
Base sa imbestigasyon ng mga otoridad ng Teresa Municipal Police Station na batay sa kuha ng CCTV, sinadyang sagasaan ng driver ang motorsiklo ng estudyante upang pilitin itong huminto.
Sinabi ng mga awtoridad na natakot ang estudyante na kumprontahim ng driver kaya naman mabilis itong tumakas.
Humingi na umano ng tawad ang driver sa biktima at sa kanyang pamilya at sinabing tutulong siya sa kanyang mga gastusin sa pagpapagamot at pagpapaayos ng nasirang motorsiklo.
Sinabi ng mga awtoridad na maaaring harapin ng driver ang kasong attempted homicide kung magdesisyon ang pamilya ng estudyante na sampahan ng kaso.
Samantala, pinaalalahanan naman ng mga awtoridad ang mga magulang na ipinagbabawal ang mga menor de edad na magmotorsiklo matapos malaman na walang lisensiya sa pagmamaneho ang estudyante.