
PATAY ang isang 64-anyos na babaeng guro at mister nitong Huwebes nang masagasaan ng ambulansya ang sinasakyan nilang motorsiklo sa Bgy. Bahay Pare ng Mecauyan, Bulacan .
Sa ulat kay Police Regional Office 3 (PRO 3) director Brig. Gen. Ponce Rogelio Peñones Jr., kinilala ng Bulacan police ang mga nasawi na sina Narcisa Tubera at asawa nitong si Eduardo, 59, ng Heritage Homes, Bgy. Loma De Gato, Marilao, Bulacan.
Lumabas sa imbestigasyon na si Eduardo ang nagmamaneho ng motorsiklo habang si Narcisa ang kanyang back rider.
Nangyari ang pagbangga sa Bahay Pare Road sa harap ng Elite Global Warehouse.
Ayon sa pulisya, patungo sa hilaga ang mga biktima sakay ng Honda Wave motorcycle nang tangkaing mag-overtake ng isa pang sasakyan ang Isuzu Traviz ambulance na minamaneho ni Ruelde Castro, 44, barangay ambulance driver ng Bahay Pare, habang patungo sa south.
Ang ambulansya ay iniulat na nakapasok sa kabilang linya at nabangga ang motorsiklo ng mga biktima, na tumilapon ang mag-asawa sa kalsada.
Isinugod ng mga rescue personnel ang mag-asawa sa Marymount Hospital, kung saan binawian ng buhay ang mga Tubera habang nilalapatan ng lunas.
Inaresto ng mga rumespondeng pulis ang driver ng ambulansya na nasa kustodiya na ngayon ng Meycauayan City Police Station.
Sinabi ng pulisya na inihahanda ang mga kasong reckless imprudence resulting in multiple homicide at damage to property laban sa driver ng ambulansya.