
NAGLABAS ng Hold Departure Orders (HDOs) ang Regional Trial Court (RTC) ng Mandaluyong City, Branch 279 laban kay dating Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) General Manager Royina Garma, dating National Police Commission (Napolcom) Commissioner Edilberto Leonardo, at tatlong iba pa kaugnay ng pagpatay kay dating PCSO executive Wesley Barayuga.
Sa utos na may petsang Oktubre 15, 2025, inatasan ng korte ang Department of Foreign Affairs (DFA) at Bureau of Immigration (BI) na pigilan ang mga akusado na umalis ng bansa habang hinihintay ang pagresolba ng mga kaso.
Ang mga HDO ay inilabas kaugnay ng Criminal Case Nos. R-MND-25-01035-CR at R-MND-25-01036-CR, na isinampa para sa murder at frustrated murder sa ilalim ng Article 248 ng Revised Penal Code.
Bukod kina Garma at Leonardo, ang iba pang akusado na pinangalanan sa kautusan ay sina Jeremy Zapata Causapin, Santie Fuentes Mendoza, at Nelson Enriquez Mariano. Ang isang John Doe alyas “Loloy” ay nakilala rin bilang bahagi ng kaso.
Ang mga kaso ay nagmula sa pananambang kay dating PCSO board secretary Wesley Barayug na pinatay noong 2024. Iniugnay ng mga imbestigador ang mga suspek sa umano’y pakana kasunod ng mga testimonya ng saksi at forensic findings.
Sa ilalim ng OCA Circular No. 39-97, pinipigilan ng Hold Departure Order ang akusado na umalis ng Pilipinas habang ang paglilitis ay nagpapatuloy upang matiyak ang kanilang pagharap sa korte.
Ang direktiba ng Mandaluyong RTC ay dahil sa patuloy na pagsisiyasat sa isa sa mga pinaka-high-profile na kaso ng pagpatay na kinasasangkutan ng mga dating opisyal ng gobyerno.