
INARESTO ng mga operatiba ng Criminal Investigation and Detection Group ang isang nagpanggap na ahente ng CIDG nitong Miyerkules sa isang entrapment operation sa harap ng isang hotel sa Bgy. Ibabang Dupay, Lucena City, Quezon.
Tinukoy ni CIDG- Quezon Provincial Field Unit chief Lt. Col. Rix Villareal ang suspek na isang alyas “Edgardo,” 35, ng St. Jude Village, Bgy. Mayao Castillo, Lucena City, nang biglang arestuhin siya ng mga opisyal makaraan lamang makatanggap ng marked money mula sa umano’y biktima.
Nakuha mula sa suspek ang ilang identification card, kabilang ang pekeng CIDG ID, at ang limang piraso ng marked P1,000 bill na ginamit sa entrapment.
Bago ang pag-aresto, sinabi ng opisyal na humingi ng tulong sa kanyang tanggapan ang isang 37-anyos na babae na biktima ng panggagahasa laban sa suspek na nagpakilala umanong pulis na nakatalaga sa CIDG at nangakong tutulungan siya para mapabilis ang kaso kapalit ng pera.
Sinabi ng biktima na nagbigay na siya ng P15,000 sa suspek at hinihiling muli ng huli na magbigay ng karagdagang P5,000 upang matiyak na mahahatulan ang rapist na nakapiyansa.
Para ma-validate ang reklamo ng babae, magkasamang nagsagawa ng entrapment si Villareal, kasama ang mga operatiba ng Lucena Component City Police Station sa ilalim ni Lt. Col. Ryan Hernandez, dakong alas-4 ng hapon. noong Martes sa lugar kung saan iniabot ng biktima ang marked money sa suspek.
Sinampahan ng kasong extortion at usurpation of authority ang suspek na nakakulong ngayon sa CIDG- Quezon detention cell.