BINATIKOS ni Senador Erwin Tulfo noong Lunes ang karaniwang gawain ng pagre-reblock sa mga maayos na kalsada na nagdudulot ng pagdodoble sa mga proyekto ng imprastraktura ng gobyerno.
Sa pagpapatuloy ng budget briefing para sa 2026 ng Department of Public Works and Highways (DPWH), sinabi ni Tulfo: “Common po ito sa mga provinces. Sasabihin, ‘kakatapos lang niyan, kakainaugurate lang, next month bubungkalin na naman. Pagkatapos, tirahin na naman, bungkal na naman.’ The same road, Mr. Chair, the same kalsada, the same munisipyo, pero paulit-ulit binubungkal, wala naman pong problema.”
Kinumpirma ito ni Public Works Secretary Vince Dizon, na nagsabing naglabas na ang ahensiya ng malinaw na mga panuntunan at pamantayan para sa reblocking.
Binanggit din ni Dizon ang kamakailang suspensiyon ng lahat ng reblocking activities sa buong bansa simula noong ika-7 ng Oktubre.
“Titingnan po natin itong mga proyektong ito, kung ito ba ay talagang nasira dahil binakbak o sinira ulit na hindi naman kailangan. We will have to go deeper into that investigation. But for your information po, Senator, pinahinto na po namin as of October 7 ang lahat ng re-blocking activities nationwide muna,” pahayag ng DPWH Chief.
Muli namang nanawagan si Sen. Erwin Tulfo para sa mas mahigpit na pag-audit ng mga infrastructure projects upang maiwasan ang mga irregular na reblocking projects sa hinaharap.
“Na-establish na po ba ninyo ang control para hindi po maulit ito, partikular sa Commission on Audit sa mga regions or district offices na mai-report?” tanong ni Tulfo. “Sana matuldukan na ito,” dagdag ni Tulfo.
Sinagot ito ni Dizon sa pagsasabing magkakaroon ng pre-audit sa lahat ng mga proyekto ng imprastraktura, sa halip na magbigay lamang ng post-audit. Ayon sa kalihim, ito ay isang reporma sa mga proseso ng ahensiya.
Sinuportahan ni Senate Committee on Finance Chairperson Sen. Win Gatchalian ang damdamin ni Tulfo at idiniin na ang pagdaragdag ng mga technical description sa mga proyekto ng imprastraktura ay makakaiwas din sa pagdodoble ng mga line item sa badyet.
