SINUSPINDI na ng Malacañang ang trabaho sa mga tanggapan ng gobyerno sa Lunes, Nobyembre 10 maging ang mga klase sa ilang rehiyon sa Nobyembre 10 at 11, dahil sa inaasahang malalakas na epekto ng Super Typhoon Uwan.
Nilagdaan ni Executive Secretary Lucas Bersamin ang Memorandum Circular No. 106 ang kautusan ni Pangulong Bongbong mArcos Jr. kung saan nakasaad dito na ang trabaho sa gobyerno sa National Capital Region (NCR), Cordillera Administrative Region (CAR), at sa mga rehiyon ng Ilocos, Cagayan Valley, Central Luzon, Southern Tagalog, MIMAROPA, Bicol at Eastern Visayas ay suspindido.
Maging ang mga klase sa lahat ng antas sa mga rehiyong din kabilang ang Regions VI, VII, at Negros Island Region, ay suspendido naman sa loob ng dalawang araw.
“Sa rekomendasyon ng National Disaster Risk Reduction and Management Council at dahil sa inaasahang malalaking epekto na idudulot ng Super Typhoon na “Uwan”, ang trabaho sa mga tanggapan ng gobyerno sa NCR, CAR, at Regions I, II, III, IV-A, IV-B, V at VIII ay sinuspinde sa Nobyembre 10, 2025,” nakasaad pa sa memorandum circular.
“Dagdag pa rito, ang mga klase sa lahat ng antas sa mga nabanggit na Rehiyon, Rehiyon VI (Kanlurang Visayas), Rehiyon VII (Central Visayas), at Negros Island Region ay sinuspinde rin sa Nobyembre 10 at 11, 2025,” nakasaad sa MC 106.
Ang pagsuspinde ng trabaho naman sa mga pribadong kumpanya at tanggapan ay nasa pagpapasya ng kani-kanilang mga pinuno.
