NAHATULAN ng reclusion perpetua o habambuhay na pagkakakulong ang pinatalsik na Mayor ng Bamban, Tarlac na si Alice Guo at pitong iba pa ay napatunayang nagkasala ng qualified human trafficking ng Pasig City Regional Trial Court.
Ang kasong nag-ugat sa umano’y mga kriminal na aktibidad na natuklasan sa isang ilegal na Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) hub sa kanyang bayan.
Inutusan din ng korte si Guo at ang kanyang mga kapwa akusado na magbayad ng multa na P2 milyon bukod pa sa mga reparation para sa mga biktima.
Ang Baofu Compound, na naging lugar ng online gambling center na pinapatakbo ng mga Chinese na daan-daang tao ang napilitang magsagawa ng mga scam o tortyur, ay binawi rin pabor sa gobyerno.
Matatandaan noong Marso 2024, sinalakay ng mga operatiba ang malawak na complex, na kinabibilangan ng mga gusali ng opisina, mga mararangyang villa at isang malaking swimming pool matapos makatakas ang isang Vietnamese worker at humingi ng tulong sa pulisya.
Mahigit 700 Pilipino, Tsino, Vietnamese, Malaysian, Taiwanese, Indonesian at Rwandan ang natagpuan sa lugar, kasama ang mga dokumentong umano’y nagpapakita na si Guo ay presidente ng isang kumpanyang nagmamay-ari ng compound.
Ayon sa Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC), si Guo at tatlo pang iba ay nahatulan ng “pag-oorganisa ng trafficking” sa loob ng compound.
Apat pa ang napatunayang nagkasala ng “mga gawa ng trafficking.”
Si Guo, kasama ang kanyang mga kapwa akusado, ay hindi personal na humarap sa promulgasyon ng desisyon noong Huwebes at dumalo lamang sa pamamagitan ng videoconference.
Kasunod ng hatol, iniutos ng Pasig City Regional Trial Court Branch 167 ang agarang paglipat kay Guo mula sa Pasig City Jail patungo sa Correctional Institute for Women sa Mandaluyong City.
Samantala, naghain si Guo ng mosyon na manatili sa female dormitory ng Pasig City Jail.
Ang mosyon ay nakatakdang pagdinig sa Nobyembre 26.
