HABANGginugunita ng Pilipinas ang National Zero Waste Month ngayong Enero, nanindigan si Senadora Loren Legarda sa kanyang panawagan para sa mas matibay na pambansang pagkakaisa upang harapin ang lumalalang krisis sa basura ng bansa.
Ipinunto ng Senadora na bagama’t lumawak na ang kamalayan at dumami ang mga inisyatiba sa komunidad, kailangan ang mas malalalim na reporma at sama-samang pagkilos.
“Ang Zero Waste ay isang pambansang paninindigan,” pahayag ni Legarda.
“Kailangan natin ng mas matibay nap ag-aksyon. May pananagutan ang bawat Pilipino, at dapat tumindig ang bawat institusyon upang pangalagaan ang ating kalikasan at ang kinabukasan ng susunod na henerasyon,” dagdag niya.
Ang panawagan ng Senadora ay kasunod ng nakababahalang datos mula sa What a Waste Global Database Report ng World Bank noong 2025, kung saan ika-27 ang Pilipinas sa 50 bansang may pinakamalaking nalilikom na municipal solid waste, na umaabot sa 14.6 na milyong tonelada kada taon. Malaking bahagi nito ay plastik, at nagbabala ang mga eksperto na ang patuloy na pagdami ng basura ay nagbabanta sa kalusugan ng publiko, katatagan ng mga lungsod, at mga pagsisikap ng bansa sa pag-angkop sa pagbabago ng klima.
Binigyang-diin ni Legarda na ang maling pamamahala ng basura ay tuwirang nagpapalala ng pagbaha at panganib sa sakuna. Noong Hulyo 2025, nakalikom ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ng mahigit 600 tonelada ng basura sa buong NCR sa kasagsagan ng malalakas na ulang dulot ng habagat kabilang ang 526.8 tonelada mula sa mga pumping station at 76.9 na tonelada mula sa mga binahang lugar. Samantala, nag-alis ang DENR-NCR ng mahigit 872,000 sako ng debris mula sa mga ilog at estero upang mabawasan ang pagbaha. Kinumpirma ng mga awtoridad na ang pagbabara ng mga daluyan ng tubig dahil sa maling pagtatapon ng basura ang lalong nagpalala ng pagbaha sa Metro Manila.
“Ang pagbaha ay hindi lamang usapin ng ulan; ito ay pinalalala ng basurang bumabara sa ating mga ilog at estero,” babala ni Legarda.
“Bawat piraso ng basura ay nagiging hadlang na naglalagay sa panganib ng buhay. Ang mas mahigpit na disiplina sa basura ang pananggalang na maaari nating buuin nang magkakasama,” diin niya.
Kasabay nito, binigyang-diin ni Legarda na matagal nang umiiral ang balangkas para makamit ang zero waste sa pamamagitan ng Republic Act No. 9003, o Ecological Solid Waste Management Act, na kanyang iniakda at pangunahing inisponsoran. Inaatasan ng batas ang paghihiwalay ng basura sa pinagmulan, pagtatatag ng materials recovery facilities (MRFs) sa bawat barangay, at pagbawas ng basura sa pamamagitan ng pagre-recycle, composting, at muling paggamit.
“Ibinibigay ng RA 9003 ang malinaw na gabay: paghihiwalay sa pinagmulan, pagre-recycle, composting, at muling paggamit,” paliwanag ni Legarda.
“Kung ipatutupad ng bawat barangay ang materials recovery facilities at isasagawa ng bawat tahanan ang tamang paghihiwalay ng basura, maaari nating lubos na mabawasan ang basura at maprotektahan ang ating mga komunidad.”
Binanggit din ni Legarda ang Republic Act No. 11898, o ang Extended Producer Responsibility Act of 2022, na kanyang iniakda bilang co-author upang palakasin ang RA 9003 sa pamamagitan ng pag-aatas sa mga prodyuser na bawiin at i-recycle ang plastik na packaging waste sa ilalim ng malinaw na EPR programs.
Upang umakma sa mga balangkas na ito, muling inihain ni Legarda sa ika-20 Kongreso ang Magna Carta of Waste Workers, isang panukalang naglalayong i-standardize ang kundisyon sa trabaho, palawakin ang social protection, at pormal na kilalanin ang mga pormal at impormal na waste workers bilang mahahalagang katuwang sa pamamahala ng kalikasan.
“Mahahalagang katuwang ang mga waste worker sa pangangalaga ng kalusugan ng publiko at ng kapaligiran. Sa pagtiyak ng kanilang mga karapatan at proteksyon, itinataguyod natin ang kanilang dignidad at pinatitibay ang ating paninindigan sa people-centered environmental governance,” pahayag ni Legarda.
Ngayong Zero Waste Month, muling pinagtibay ni Legarda ang kanyang pangako na isulong ang mga repormang magpapalakas sa pananagutan ng mga prodyuser, magbibigay-lakas sa mga komunidad, at mag-iinstitusyonalisa ng suporta para sa mga waste worker.
“Ito ang simula ng panibagong taon ng pananagutan,” ani Legarda. “Ngunit sa pagkakataong ito, dapat itong markahan ng aksyon at resulta. Ang zero waste ay hindi pangarap kundi ating responsibilidad sa ating bansa at sa mga susunod na henerasyon.”
