WALONG natatanging indibidwal at organisasyon ang pinarangalan ng Department of Agriculture IV-CALABARZON (DA-4A) sa ginanap na ikalawang Regional Awarding Ceremony ng Gawad Saka Awardees, Top-Performing Farmers’ Cooperatives and Associations (FCAs), at Agricultural Extension Workers (AEWs) sa lalawigan ng Quezon para sa taong 2025 noong ika- 9 ng Marso sa Lucena City, Quezon.
Ang nasabing parangal ay idinaos upang itanghal ang mga natatanging indibidwal at grupo na nagpakita ng husay sa serbisyo, kung saan nagpalakas ito ng produksyon sa agrikultura ng rehiyon at nagpatatag sa seguridad ng pagkain.
Ayon kay Bb. Gemma Chavez, kaisa-isang nanalo sa buong Pilipinas na pambato ng rehiyon sa 50th Gawad Saka sa kategoryang Outstanding Large Animal Raiser Adopting Integrated Farming System, ang kaniyang natamong parangal ay nagsilbing inspirasyon para lalo pa niyang pag-ibayuhin ang kanilang pagsisikap sa pagsasaka at maging halimbawa sa kapwa magsasaka sa kanilang komunidad
Samantala, pangalawang pinarangalan naman ang Palcon Dairy Multi-Purpose bilang Outstanding Dairy Cattle Raiser; Cooperative Bank of Quezon Province para sa Outstanding Rural Financial Institution; Yakap at Halik MPC-Quezon II para sa Outstanding Coconut Farmers Organization; at Ginintuang Butil ng Sta.Teresa Irrigators Association, Inc. para sa Outstanding Rice Cluster-Irrigator’s Associations for National Irrigation System and Communal Irrigation System.
Ginawaran din bilang Top-Performing FCAs ang High Value Crops Marketing Cooperative of Quezon para sa Livestock Program – large ruminant at High Value Crops Development Program (HVCDP)- banana kasabay ng Samahang May Pagkakaisa Ng Katutubong Aeta para sa Kabuhayan at Kaunlaran ng Kababayang Katutubo (4K) Program. Si G. Mico Comia naman ay pinarangalan bilang Outstanding AEW ng HVCDP.
Sa huli ay, binigyang-diin ni Gov. Angelina “Doktora Helen” Tan ang kahalagahan ng patuloy na pakikiisa at pagtutulungan ng pamahalaan at ng sektor ng agrikultura upang makamit ang mas maunlad at matatag na industriya ng pagsasaka.
