NASAWI ang isang 73-taong-gulang na lalaki na pumipila para bumili ng bigas ng nagkakahalaga ng P20 kada kilong bigas matapos mabangga at makaladkad ng isang sasakyan habang naghihintay sa labas ng isang Kadiwa center sa Quezon City noong Miyerkules ng madaling araw.
Ayon sa ulat mula sa Quezon City Police District, nangyari ang insidente bandang alas-3 ng madaling araw habang ang biktima ay pumipila sa harap ng Department of Agriculture-Bureau of Animal Industry sa Visayas Avenue.
Sinabi ng mga awtoridad na ang biktima ay nakaupo sa bangketa nang biglang bumangga sa kanya ang isang mabilis na itim na pickup truck.
Agad na isinugod ang biktima sa East Avenue Medical Center ngunit kalaunan ay namatay dahil sa matinding pinsala sa kanyang katawan at ulo.
Ang drayber ng pickup truck ay nasa ilalim na ngayon ng kustodiya ng QCPD at nahaharap sa mga kasong reckless imprudence resulting in homicide.
