UMAKYAT na sa 37 ang bilang ng mga namatay sa malakas na magnitude 7.8 na lindol na tumama sa baybayin ng Maasim, Sarangani noong Lunes ng umaga, habang 479 katao ang naiulat na nasugatan at apat na iba pa ang nawawala.
Ayon sa pinakahuling datos na inilabas ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) nitong Martes, 33 sa mga namatay, 456 sa mga nasugatan, at apat katao ang nawawala na naitala sa rehiyon ng Soccsksargen.
Iniulat din ng NDRRMC na may kabuuang 19,529 na pamilya, o mahigit 88,000 indibidwal, ang naapektuhan ng sakuna sa Rehiyon IX, XI, XII, at Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Sa mga naapektuhan, 5,343 pamilya o 19,635 indibidwal ang kasalukuyang nananatili sa 39 evacuation center.
Samantala, 264 na pamilya o katumbas ng 1,055 indibidwal ang tumatanggap ng tulong sa mga pasilidad ng evacuation centers.
Base sa assessment ng mga awtoridad , hindi bababa sa 127 pasilidad ang nagtamo ng pinsala mula sa lindol na tinatayang halagang umabot sa P15 milyon.
Sampung bahay din ang naiulat na nasira sa Rehiyon IX, XI, at BARMM.
Dahil sa epekto ng lindol, sinuspinde ang mga klase sa 182 lungsod at munisipalidad, habang sinuspinde ang trabaho sa 123 lokal na yunit ng pamahalaan upang mabigyang-daan ang masusing inspeksyon sa mga pampubliko at pribadong istruktura.
Nanatili ring sarado ang General Santos City International Airport sa mga komersyal na flight hanggang Martes ng umaga habang patuloy na pinag-aaralan ng mga awtoridad ang kondisyon ng mga pasilidad nito.
Binabantayan pa rin ng mga awtoridad ang mga ulat ng mga nasawi at pinsala sa imprastraktura habang nagpapatuloy ang mga operasyon sa pag-aaral at pagtugon sa mga apektadong lugar.
Matatandaang tinamaan ng lindol ang rehiyon ng Mindanao noong 7:37 ng umaga noong Lunes, Hunyo 8, kasabay ng unang araw ng klase para sa School year 2026–2027.
Ito ay itinuturing na isa sa pinakamalakas na lindol na tumama sa rehiyon simula noong 1970s.
