NANAWAGAN si House Speaker Faustino “Bojie” Dy III sa Senado na makipagtulungan upang maipasa ang natitirang priority bills ng administrasyon bago matapos ang 2026.
Ayon kay Dy, marami sa mga panukalang batas na kabilang sa Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC) priority list ang nasa advanced stage na ng legislative process. Kabilang dito ang panukalang Cybersecurity Act, na nakatakda nang talakayin sa second reading, habang walong iba pang panukala ang hinihintay na lamang ng aksyon ng House Committees on Appropriations at Ways and Means.
Binigyang-diin ni Dy na prayoridad ng Kamara ang mga panukalang direktang makatutulong sa mga ordinaryong Pilipino at tiniyak na mapapabilis ang pagtalakay sa mga ito.
Hiniling din niya ang patuloy na koordinasyon sa Executive Branch at sa Presidential Legislative Liaison Office (PLLO) upang mapabilis ang pagpasa ng mahahalagang panukalang batas.
“Layunin nating makapagpasa ng mga batas na may tunay na pakinabang at mararamdaman ng bawat Pilipino,” ani Dy.
