“Hindi pulitika kundi mga testigo, dokumento, audit at ebidensya ang magpapasya sa kasong ito.” Ito ang iginiit ni House prosecutor at Mamamayang Liberal Party-list Rep. Leila de Lima sa pagbubukas ng impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte sa Senado nitong Miyerkules.
Ayon kay De Lima, ipapakita ng prosekusyon na hindi simpleng accounting o clerical error ang isyu kundi isang umano’y sistematikong maling paggamit ng ₱612.5 milyong confidential funds.
Binanggit din niya ang mga natuklasan ng Kamara, kabilang ang mga acknowledgment receipt na may mga pangalang “Mary Grace Piattos,” “Milky Secuya,” at “Kokoy Villamin,” gayundin ang iba pang umano’y hindi matukoy sa records ng Philippine Statistics Authority (PSA). Sinabi rin ng prosekusyon na mahigit ₱500 milyon ang nagastos sa maikling panahon, kabilang ang ₱125 milyon sa loob lamang ng 11 araw, at naglabas ang Commission on Audit (COA) ng notices of disallowance sa ilang disbursement.
Ayon sa House prosecution panel, mapatutunayan sa paglilitis na si Duterte ay nakagawa umano ng culpable violation of the Constitution, graft and corruption, at betrayal of public trust kaugnay ng paggamit ng confidential funds noong siya ay bise presidente at kalihim ng Department of Education.
Iginiit ni De Lima na ang pagiging “confidential” ng pondo ay hindi nangangahulugang ligtas na sa pananagutan ang mga opisyal na humahawak nito.
“Ang confidentiality ay para protektahan ang lehitimong operasyon at informant. Hindi ito pahintulot para mag-imbento ng pangalan at dokumento. Hindi ito palusot para ibulsa ang pera,” ani De Lima.
Aniya, ang confidential funds ay inilaan para sa mga lehitimong intelligence at surveillance operations, ngunit hindi nito inaalis ang obligasyon ng mga opisyal na maging tapat, transparent at managot sa paggamit ng pondo ng bayan.
