PINAAALALAHANAN ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang lahat ng opisyal at empleyado nito na bawal ang paghingi o pagtanggap ng regalo, pera, pabor, o anumang may halaga na may kaugnayan sa kanilang trabaho sa gobyerno.
Ang babala ay kasunod ng mga ulat na may ilang kawani umanong ginagamit ang kanilang posisyon upang manghingi ng pera, regalo, at iba pang kapalit mula sa mga pribadong indibidwal, ahensya ng pamahalaan, at mga lokal na pamahalaan.
Ayon sa DILG, malinaw na ipinagbabawal ito ng Republic Act No. 6713 o Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees. Ang mga lalabag ay maaaring matanggal sa serbisyo, makulong ng hanggang limang taon, pagmultahin, at mawalan ng karapatang humawak ng anumang posisyon sa gobyerno.
Bukod dito, maaari ring managot sa ilalim ng Republic Act No. 3019 o Anti-Graft and Corrupt Practices Act ang sinumang tatanggap ng regalo o benepisyong may kaugnayan sa transaksyon sa gobyerno. Ang parusa rito ay pagkakakulong ng isa hanggang 10 taon, habambuhay na diskuwalipikasyon sa serbisyo publiko, at kumpiskasyon ng mga iligal na yaman.
Binigyang-diin ng DILG na pananatilihin nito ang malinis, tapat, at responsableng serbisyo publiko sa hanay ng mga kawani nito.
