NAIS ni Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano na dumating ang panahon na wala nang Pilipinong napipilitang mangibang-bansa dahil sa kakulangan ng disenteng trabaho at mababang sahod sa Pilipinas.
Sa kanyang Kontra-SONA nitong Martes, sinabi ni Cayetano na dapat magtakda ang pamahalaan ng malinaw na target kung kailan ito maisasakatuparan.
“Wala bang pwedeng magsabing sa loob ng 10 taon o pagsapit ng 2041 o 2050, wala nang Pilipinong napilitang mag-OFW dahil walang magandang trabaho sa Pilipinas?” ani Cayetano.
Nilinaw ng senador na wala siyang tutol sa mga Pinoy na kusang pinipiling magtrabaho o mag-aral sa ibang bansa. Aniya, ang problema ay ang mga napipilitang lumayo sa pamilya dahil hindi sapat ang kinikita rito sa bansa.
Ikinuwento ni Cayetano ang isang Pinoy chef sa Singapore na kumikita ng P70,000 hanggang P110,000 kada buwan ngunit handang umuwi kung kikita lamang ng P55,000 sa Maynila.
Ayon sa senador, hindi luho ang dahilan ng karamihan sa mga OFW kundi ang mabigyan ng maayos na buhay, edukasyon, at tirahan ang kanilang pamilya.
Giit ni Cayetano, panahon nang pagtuunan ng pansin ang pagbibigay ng living wage o sahod na sapat sa pang-araw-araw na pangangailangan ng isang pamilya, dahil minimum wage lamang ang umiiral sa kasalukuyan.
Upang matugunan ito, inihain niya ang Senate Bill No. 104 o Executive-Legislative Labor Commission Act of 2025, na lilikha ng Labor Commission (LabCom). Layunin nitong bumuo ng National Labor Roadmap na tututok sa living wage, dekalidad na trabaho, underemployment, skills mismatch, at kapakanan ng mga manggagawa sa pormal at impormal na sektor.
