NANAWAGAN ang Malacañang sa mga transport group na huwag munang magsagawa ng transport strike kaugnay ng sunod-sunod na pagtaas ng presyo ng langis at sa halip ay makipagdayalogo sa pamahalaan upang mahanapan ng solusyon ang kanilang mga hinaing.
Sa press briefing nitong Martes, sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na nauunawaan ng gobyerno ang mabigat na epekto ng oil price hikes sa mga tsuper at operator ng Public Utility Vehicles (PUV), ngunit iginiit niyang hindi tigil-pasada ang sagot sa problema.
Ayon kay Castro, mas makabubuti ang pag-uusap at negosasyon upang maiparating ng mga transport group ang kanilang mga hinaing at agad na matugunan ng pamahalaan.
“Ang nais ng pamahalaan ay pag-uusap at negosasyon upang malaman ang kanilang mga daing. Hindi po transport strike ang sagot dahil ang higit na maaapektuhan ay ang ating mga commuter,” ani Castro.
Tiniyak naman ng Malacañang na bukas ang gobyerno sa pakikipagdayalogo at handang makinig sa mga transport group para makabuo ng mapayapa at makatarungang solusyon.
Bagama’t kinikilala ng administrasyon ang karapatan ng mga grupo na magprotesta at ipahayag ang kanilang saloobin, sinabi ni Castro na ang mga transport strike ay hindi makakatulong sa ekonomiya at magdudulot lamang ng dagdag na hirap sa publiko.
“Hindi po namin pinipigilan ang sinuman na magpahayag ng kanilang saloobin, pero hindi rin po makakatulong sa ekonomiya ang ganitong aksyon,” dagdag niya.
Nauna nang nagbanta ang ilang transport group ng kilos-protesta at posibleng transport strike dahil sa patuloy na pagsirit ng presyo ng produktong petrolyo na iniuugnay sa tumitinding tensyon sa Middle East.
