MAS mahigpit na seguridad at zero-tolerance laban sa bullying at karahasan sa mga paaralan ang isinusulong ni Senador Bam Aquino.
Sa ilalim ng Senate Bill No. 2390 o Comprehensive School Safety Act, obligadong magkaroon ang bawat paaralan ng madaling ma-access na reporting channels para sa bullying, cyberbullying, karahasan, harassment, pang-aabuso at iba pang banta sa kaligtasan ng mga estudyante at school personnel.
Inaatasan din ang mga paaralan na agad na tukuyin, iulat at aksyunan ang mga insidente, kasabay ng pagbibigay ng proteksyon, suporta at intervention sa mga apektadong mag-aaral.
Bawat paaralan ay kailangang gumawa at taun-taong mag-update ng School Safety Plan na sasaklaw sa emergency protocols, hotline, security measures, digital safety, school activities at koordinasyon sa komunidad.
Itinatakda rin ng panukala ang pagbuo ng National Comprehensive School Safety Framework sa pangunguna ng Department of Education (DepEd), katuwang ang iba pang ahensya at stakeholders. Maglalaman ito ng national standards para sa school security, anti-bullying, digital safety, mental health, emergency preparedness at incident reporting.
Maaaring maglagay ng CCTV cameras, metal detectors, visitor management systems, security personnel, perimeter security at emergency alert systems depende sa assessment sa antas ng panganib sa bawat paaralan.
Inaatasan din ang mga paaralan na magsagawa ng regular na safety assessment, security monitoring, emergency drills, safety orientations at taunang School Safety Audit.
Saklaw din ng panukala ang proteksyon laban sa digital threats at cyberbullying, pati psychosocial support, peer programs at early intervention para sa mga estudyanteng nangangailangan ng tulong.
Ayon kay Aquino, kailangan ng mas komprehensibong sistema upang hindi lamang mapigilan ang panganib kundi maging handa rin ang mga paaralan sa pagtugon at pagbangon kapag may insidente.
“We owe this to our teachers, who deserve a safe place to teach,” ani Aquino, chairman ng Senate Committee on Basic Education.
Dagdag niya, dapat matiyak sa bawat magulang at guardian na ginagawa ng pamahalaan ang lahat upang maprotektahan at mapanatiling ligtas ang kanilang mga anak.
