MAS murang kuryente at posibleng refund ang naghihintay sa mga consumer sa Visayas matapos ipatigil ng Energy Regulatory Commission (ERC) ang umano’y maling paniningil ng sobrang Line Loss and Congestion Cost (LLCC).
Ayon kay House Minority Leader at 4Ps Party-list Rep. Marcelino “Nonoy” Libanan, maaaring bumaba ang electricity rates matapos suspindihin ng ERC ang labis na LLCC charges na nagpataas umano ng singil ng P2 hanggang P5.99 kada kilowatt-hour.
Posible rin umanong maibalik sa mga consumer ang sobrang nakolekta kung mapapatunayang overcharged ang kanilang mga bill.
Nagsampa ng reklamo ang Eastern Samar Electric Cooperative Inc. (ESAMELCO) dahil sa mabilis na pagtaas ng LLCC charges sa pamamagitan ng Wholesale Electricity Spot Market (WESM).
Tinatayang umabot sa P1.55 bilyon ang umano’y labis na LLCC charges na ipinasa sa mga consumer sa Eastern Visayas o Region 8 mula Enero ngayong taon.
Iginiit ni Libanan na hindi dapat pasanin ng ordinaryong consumer ang gastos na dulot ng problema sa electricity pricing system.
“Kung sobra ang singil, dapat maibalik ang pera sa mga consumer,” ani Libanan.
Ayon sa ERC, nagkaroon ng maling pagkukuwenta sa congestion component ng electricity prices kapag nalilimitahan ang kapasidad ng HVDC links na nag-uugnay sa Luzon, Visayas at Mindanao.
Dahil dito, inatasan ng ERC ang IEMOP na pansamantalang suspindihin ang ilang Line Rental charges at itama ang pricing methodology.
Inatasan din ang IEMOP na kumuha ng independent auditor para muling suriin ang mga market allocation mula Hunyo 26, 2021.
Kapag nakumpirmang may sobrang singil, maaaring magresulta ito sa refund o billing adjustments para sa mga apektadong consumer.
Maaaring ipatupad ang mga refund o adjustment sa ilang magkakasunod na billing periods.
