MANILA — Mas paiigtingin ng Department of Agriculture (DA) ang pag-unlad ng industriya ng ube matapos mabuo ang United Ube PH Association Inc., isang pambansang grupo na naglalayong pag-isahin ang mga magsasaka, kooperatiba, processor, trader, exporter, researcher at iba pang stakeholder.
Nabuo ang grupo matapos ang Ube Industry Stakeholders Meeting na pinangunahan ni Agriculture Secretary Francis P. Tiu Laurel Jr. noong Hulyo, kung saan nakita ang pangangailangan para sa isang organisasyong magsisilbing iisang boses ng industriya.
Opisyal na itong nakarehistro sa Securities and Exchange Commission (SEC) bilang non-stock, non-profit organization nitong Agosto, dala ang panawagang “One Industry. One Vision. One Philippine Ube.”
Target ng United Ube PH na gawing mas organisado at mas kompetitibo ang lokal na industriya upang mapasok ang mas malalaking merkado sa loob at labas ng bansa.
Ayon kay Tiu Laurel, nais ng DA na gawing isa sa mga pangunahing agricultural export ng Pilipinas ang ube.
“Gusto nating maging isa sa export winners ng bansa ang Philippine ube,” ani Tiu Laurel.
Nakikipag-ugnayan na rin ang grupo sa mga ahensya ng gobyerno, local government units at mga negosyo para sa pagbuo ng national ube industry development strategy, pagpapalawak ng membership at paghahanap ng mga institutional buyers.
Isinasagawa rin ang paghahanda para sa 1st National Ube Forum sa Pagadian City, Zamboanga del Sur ngayong Setyembre.
Ayon kay Undersecretary Philip Young, hindi na lamang panghimagas o tradisyunal na produkto ang ube dahil lumalaki na ang demand para sa fresh ube at mga processed o value-added products sa lokal at international market.
Tinatayang nasa 50 hanggang 60 metric tons kada operator ang kasalukuyang produksyon, ngunit naniniwala ang mga stakeholder na maaari pa itong palakihin sa pamamagitan ng mas maayos na supply chain at access sa de-kalidad na planting materials.
Ilulunsad din ang United Ube PH sa ASEAN-HWONFEX 2026 sa Setyembre 4 hanggang 6 sa SMX Convention Center Manila upang ipakilala ang Philippine ube sa mga potensyal na buyer, investor at business partner.
